
Hinihinalang dahil sa iniindang karamdaman, nagpakamatay ang isang 42-anyos na lalaki sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili sa loob ng kanilang bahay sa Bacoor City, Cavite, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi bilang si alyas Topher ng Soldiers Hills 4, Brgy. Molino 6, Bacoor City.
Ayon sa nakatatandang kapatid nito na si Mic, 44, dumating siya sa kanilang bahay sa Banahaw St., Soldiers Hills 4, Brgy. Molino 4, Bacoor City, bandang alas-9:45 ng gabi. Ipinabatid ng kanilang ina na ang kapatid ay hindi pa lumalabas sa kanyang kuwarto simula pa noong Lunes.
Dahil dito, pumunta si Mic sa kuwarto ng kanyang kapatid at tinawag ito, ngunit hindi ito sumagot sa ilang beses na pagtawag. Nang sumilip siya sa bintana, napansin niyang tila wala nang buhay ang kanyang kapatid. Agad itong ipinaalam sa mga kapitbahay at sa barangay. Puwersahang binuksan ang bintana ng kuwarto, at doon natagpuan ang biktima na patay na.
Ayon sa pamilya, may medical condition ang biktima—low potassium—which ay nagpapahirap sa kanya na gumalaw o tumayo tuwing sinasapian ng sintomas. Naniniwala ang kanyang pamilya na ang kondisyon nito ay nagdulot ng depresyon na humantong sa pagpapakamatay.
Nakita sa tabi ng biktima ang isang kalibre .38 na baril, na hinihinalang ginamit sa pagpapakamatay.
(Gene Adsuara) ia/xf
