
MANILA — Nababalot ngayon sa kontrobersya at kaguluhan ang Emmanuel Church Ministries International ( ECMI) sa Makati, at kailangang kumilos na agad ang mga awtoridad para mahinto na ang nangyayari umanong harassment,karahasan at pagnanakaw sa nasabing simbahan.
Sa ginawang imbestigasyon ng pahayagang ito, lumalabas na agawan sa pamumuno ang dahilan sa nangyayaring karahasan sa nasabing simbahan.
Batay sa nakalap na impormasyon, nagsimula ang gulo noong Biyernes (Hunyo 6) bandang alas sais ng gabi matapos biglang nilusob at puwersahang binuksan ng isang paksyon na nagpapakilalang breakaway group ang gusali ng ECMI sa Angono Street, Brgy.Poblacion.
Ginawa ng mga suspek ito nang walang pinanghahawakang anumang court order at dokumento mula sa Securities and Exchange Commission (SEC).
May kasama silang mga abogado na wala rin namang hawak na dokumento para magsagawa ng break-in at forcible entry.
Dahil sa biglaang pangyayari ay walang nagawa ang mga lehitimong miyembro ng simbahan na pinamumunuan ni Pastor David Dimuyaga.
Habang nasa loob ng building ay pinagsisira ng breakaway group na pinamumunuan ng isang Erwin Torrefiel , Nelson Chicombing, Jed Domago at Jef Gamit , ang mga gamit sa simbahan.
Nakita rin sa mga nakuhang video footage ang pagkuha ng mga suspek sa mga dokumento ,mga office supplies at perang umaabot sa libo-libong halaga na isinakay sa kotse ni Torrefiel.
Nagbanta pa ang grupo ni Torrefiel sa mga tao doon na sasaktan nila kung sino man ang mga makikialam sa kanilang ginagawa.
Hindi pa nasiyahan ay bumalik pa kinabukasan ang mga suspek at muling nilusob ang simbahan at muli nilang inokupahan.
Inabot sila ng gabi bago umalis at ikinandado pa rin ng mga suspek ang 4th floor kung saan nandoon ang opisina ng simbahan.
Nag-iwan din sila ng dalawang tauhan nila na sabi nila ay mga Marines daw para magbantay sa simbahan at takutin ang mga tao.
Noong sumunod na araw ng Linggo ay muling bumalik ang grupo ni Torrefiel kasama ang isang pastor Gernan Villegas at ang mga lalaking nagpakilang Marines at muling nagnakaw ng mga gamit gaya ng mga mga mamahaling musical instruments.
Ang nakapagtataka pa, kahit naghain na ng formal na reklamo si Pastor Dimayuga sa Makati Police Substation 6, ay walang ginawang aksyon ang mga ito para pigilan at hulihin itong si Torrefiel at mga kasama.
Ang katuwiran nila ay ayaw daw makialam sa usaping simbahan.
Napag-alaman ng diyaryong ito na kasapi daw ng Eagles si Torrefiel at ginagamit niya ito para makakuha ng suporta sa mga ex-Marines at maging sa mga pulis-Makati.
Habang sinusulat ang balitang ito, naka-guwardiya pa rin sa nasabing gusali ang mga nagpapakilalang Marines na kasama ng grupo ni Torrefiel.
Dahil dito ay nananawagan ang mga residente sa lugar na nakakita sa mga pangyayari, sa pamunuan ng PNP sa ilalim ni Director General Josr Melencio Nartatez na gumawa ng agarang aksyon bago pa mauwi sa mas malalang pangyayari ang isyu diyan sa ECMI Church.
Hiniling nila na utusan niya si SPD Director PBGEN Manuel Abrugena na makialam at imbestigahan ang pangyayari na ito, lalo’t higit ang tila pagpapabaya ng ilang pulis- Makati na ipatupad ang umiiral na mga batas at pangalagaan ang katahimikan sa pamayanan.
Nagtataka rin sila na sa kabila ng klarong kaso ng trespassing at robbery na identified naman ang mga suspek, ay hindi pinigilan at kinasuhan ng mga pulis ang mga suspek.
Pinakakasuhan din nila ang mga nagpakilalang Marines at bakit sila pumapayag na maging bodyguard ni Torrefiel.
Sa huli ay dapat kumilos na rin umano ang SEC para resolbahin ang usapin ng leadership sa ECMI bago pa mauwi ito sa mas malalang sitwasyon.
ia/xf
